SA ilalim ng bagong pamunuan ng Land Transportation Office (LTO), tanggal ang angas ng mga pasikat sa lansangan.
Bilang pambungad, agad na ipinag-utos ni LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ang pag-impound sa kulay dilaw na Lamborghini sports car matapos maispatan sa kahabaan ng Muntinlupa – Cavite Expressway.
Ang dahilan — walang plaka.
Sa isinagawang beripikasyon alinsunod sa umiiral na batas-trapiko, nabistong hindi rehistrado sa anumang tanggapan ng kawanihan ang mamahaling sasakyan.
Lumalabas din sa pagsusuri ng Bureau of Customs (BOC) na may “misdeclaration” sa pagpasok sa bansa ng naturang sasakyan. Ikinasa na rin ng BOC ang Warrant of Seizure and Detention bunsod ng sumambulat na bulilyaso.
Ayon kay LTO Chief Assistant Sec. Markus Lacanilao, mahigpit ang kampanya ng kawanihan kontra iligal na rehistro, smuggling at paggamit ng pekeng importation documents.
Anya, laging ka tandem ng LTO ang Bureau of Customs upang masusing siyasatin ang insidente, matukoy ang pananagutan, at maipatupad ang nararapat na legal na hakbang.
Katuwang ang BOC, tiniyak din ni Lacanilao na walang puwang sa LTO ang mga tiwaling nagbibigay-dungis sa pamahalaan. (EDWIN MORENO)
