MULING nanindigan ang pamunuan ng Kamara sa malayang imbestigasyon at pagdulog sa Ombudsman ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng flood control scandal.
Partikular na tinukoy ni House Speaker Faustino Dy III ang pagsasampa ng kaso ng ICI at DPWH laban sa kapwa mambabatas na pinaniniwalaang sangkot sa maanomalyang flood control program ng pamahalaan.
“Mula pa sa simula, malinaw ang ating paninindigan na igalang ang ICI at bigyan ito ng buong pagkakataong gampanan ang kanyang mandato. Ito ang dahilan kung bakit hindi na itinuloy ng Kamara ang kahalintulad na imbestigasyon upang hayaan ang ICI na makapagtrabaho nang tuloy-tuloy,” wika ni Dy.
“Ayon mismo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., anumang posibleng kaso dapat nakabatay sa kabuuang ebidensya, at ang Ombudsman ay dapat tumugon sa direksyong itinuturo nito. Sumasang-ayon tayo rito, dahil ang ebidensya ang dapat maging batayan ng pananagutan,” dugtong ng lider ng Kamara.
Pagtiyak ng Isabela congressman, suportado nya ang panawagan ng Pangulo na makipag tulungan at sumuko na lamang ang mga sangkot sa nasabing anomalya.
“Paalala rin na may pananagutan sa batas ang sinumang nagkukubli o humahadlang sa pag-usad ng mga hakbang na ito,” pahayag ni Speaker Dy.
“Nanatili ang ating paninindigan: igalang ang proseso at suportahan ang mga institusyong may tungkulin alamin ang buong katotohanan—upang managot ang dapat managot at makamit ang tunay na hustisya para sa ating mga kababayan.” (ROMER R. BUTUYAN)
