IBINASURA ng Pasig Regional Trial Court ang hirit ni dating Bamban Mayor Alice Guo na manatili sa Pasig City Jail matapos hatulan ng habambuhay na pagkakakulong sa salang qualified human trafficking .
Sa resolusyon ng korte, ipinag-utos ang agarang paglipat ni Guo sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City. Kalakip din ng desisyon ng Korte ang direktiba sa Bureau of Corrections (BuCor) na ihanda seldang paglalagakan ng dating alkalde.
Bago pa man naglabas ng kautusan ang Pasig RTC, nagpahayag ng kahandaan si BuCor Director-General Gregorio Catapang na tanggapin sa CIW si Guo, kasabay ng pagtitiyak sa mas pinaigting na seguridad sa naturang pasilidad.
Base aniya sa standard procedure ng Bucor, sasalubungin si Guo ng isang receiving officer sa Reception and Diagnostic Center para sa beripikasyon ng mga dokumento, inspeksyon sa bitbit na gamit at paglalagay sa dating alkalde sa quarantine kung saan mananatili ang sentensyado ng limang araw bago ilipat sa regular dormitory ng RDC para sa orientation, diagnostics, at evaluation.
Matapos ang 60-araw na proseso, dadalhin na si Guo Maximum Security Camp para simulan ang pagbuno sa hatol.
Mahalaga aniya ang assessment period upang matukoy ang pisikal at psychological na pangangailangan ni Guo, kasama rin ang orientation at educational sessions para matulungan ang mga bagong preso makibagay sa kapaligiran ng kulungan at maintindihan ang karapatan at patakaran sa loob ng kulungan. (JULIET PACOT)
