TINIYAK ni House Speaker Faustino Dy III na mananatiling nakatuon ang Kapulungan ng mga Kinatawan sa pagganap sa tungkulin maglingkod sa bayan sa gitna na rin ng patuloy na pagsisiyasat sa flood control project anomalies, na kinasasangkutan ng ilang miyembro ng Kamara.
“Ang pananagutan ay bahagi ng pagiging lingkod-bayan, at ang lahat ng miyembro—iniimbestigahan man o hindi—ay handang makipagtulungan sa anumang proseso habang patuloy na ginagampanan ang kanilang papel bilang mambabatas,” pahayag pa ni Speaker Dy.
“Sa huli, ang kapakanan ng sambayanang Pilipino ang ating pangunahing prayoridad, at gagawin natin ang lahat ng kailangan upang paglingkuran sila nang tama at tapat,” dugtong the lider ng Kamara.
Ayon kay Dy, mananatiling matatag ang kanilang paninindigan na bigyang prayoridad ang gawain sa Kamara pagkatapos ihain ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang panibagong joint case referral sa Office of the Ombudsman.
“Mula noong unang araw ng ating panunungkulan bilang Speaker, binigyang-diin natin na igagalang ng Kapulungan ang mandato ng ICI at makikipagtulungan tayo nang walang alinlangan sa lahat ng imbestigasyon. Naniniwala tayo na ang katotohanan ay hindi dapat ikinukubli at ang mga may pananagutan ay dapat managot.” (ROMER R. BUTUYAN)
