WALANG hawak na anumang dokumento ang Department of Justice (DOJ) hinggil sa umano’y pagbawi ng testimonya ng sinibak na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng flood control scandal.
Partikular na tinukoy ni Atty. Polo Martinez na tumatayong tagapagsalita ng DOJ ang umano’y affidavit mula kay dating Bulacan First District Engineer Henry Alcantara.
Una nang lumabas sa social media ang mga ulat na naghain umano si Alcantara ng kontra-salaysay kung saan itinanggi niya ang pagtanggap ng kickback at ang pagkakasangkot sa maanomalyang proyekto.
Ayon kay Martinez, wala pang natatanggap o nare-review ang DOJ na anumang affidavit mula sa dating opisyal ng DPWH.
Iginiit pa ng tagapagsalita ng DOJ na wala pang opisyal na recantation o pagbawi ng pahayag na isinagawa ni Alcantara, mapa-written man o verbal.
Magugunitang dati nang ikinanta ng kontratista ang pagkakadawit ni Alcantara sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan. Ilang linggo na ang lumipas nang magsauli si Alcantara ng mahigit P100-milyong bahagi umano ng kickback mula sa mga proyekto.
“The DOJ has not received or reviewed any affidavit from Alcantara retracting his previous statements. There has been no official recantation written or verbal,” giit pa ni Martinez. (JULIET PACOT)
