WALANG puwang sa pambansang pulisya ang mga walang disiplina at anusadong alagad ng batas.
Ito ang babala ni Acting Philippine National Police (PNP) chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr sa mga kabarong wala aniya sa tamang asal.
Ayon kay Nartatez, mahigpit ang paninindigan ng PNP sa disiplina, propesyonalismo at tamang asal sa bawat miyembro ng organisasyon, kasabay ng giit na malinaw ang patakaran ng PNP pagdating sa tinawag niyang “ethical standards.”
Anuman aniyang nakakasira sa dangal ng organisasyon, hindi palalampasin ng pambansang pulisya.
“Ang PNP Code of Professional Conduct and Ethical Standards ang mahigpit na gumagabay sa lahat ng pulis upang mapanatili ang integridad ng serbisyo at tiwala ng mamamayan,” saad ni Nartatez sa isang pahayag.
Binigyang-diin din ng PNP chief na ang lahat ng pulis ay inaasahang nasa maayos na kondisyon sa pisikal, emosyonal, at mental upang magampanan nang tama ang nakaatang na tungkulin.
Nakatutok din ang PNP sa responsableng paggamit ng kapangyarihan ng pulis, lalo umano sa paghawak ng baril at pagpapatupad ng batas.
Kasabay nito, inatasan ng PNP ang lahat ng commanders at hepe na higpitan ang pagtutok sa nasasakupan at ipatupad ng mahigpit ang disiplina.
Paalala ng pamunuan, umiiral ang command responsibility at papanagutin ang sinumang bigong ipatupad ang pamantayan ng PNP.
Iginiit din ng PNP, ang pagsusuot ng uniporme ay isang pribilehiyo na may kaakibat na mabigat na pananagutan.
“Ang disiplina, pananagutan, at integridad ay hindi pwedeng ipagpalit, Ito ang pundasyon para manatiling karapat-dapat umano ang tiwala ng sambayanang Pilipino sa PNP,” ayon sa pamunuan.
Sa ilalim ng panawagang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman,” tiniyak ng PNP na tuloy-tuloy ang pagsisikap nito na linisin ang hanay at patatagin ang propesyonal na serbisyo sa publiko. (EDWIN MORENO)
