KUNG nagawa ng administrasyon ipakulong ang kamag-anak ng pangulo, walang dahilan para hindi kaladkarin ang iba pang kongresistang sangkot sa maanomalyang flood control projects ng pamahalaan. Ito ang buod ng mensahe ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon, kasabay ng pangakong hindi magtatapos kay dating House Speaker Martin Romualdez ang pagpapanagot sa mga tinaguriang kotong-ressman. Garantiya ng DPWH chief, marami pang susunod, kasabay ng giit na ang pagdakip kay Romualdez ay patunay na seryoso ang administrasyon tugisin ang mga mandarambong base sa ebidensya. “Ito na ‘yung pinatunayan ng Pangulo natin, pinapatunayan na rin ng Ombudsman natin na kung ano ang sinabi ng ating Pangulo simula last year na kung saan ang ebidensya, dun tayo tutungo, regardless kung sino ‘yan. Kahit sino pa, kahit kamag-anak niya. Talagang totoo. Ito na ang patunay nun,” wika ni Dizon. “Kahit pinsan pa ng Pangulo, first cousin pa at napakalapit ni former Speaker Romualdez sa ating Pangulo… kung talagang dapat siya kasuhan at dapat siyang ikulong, ‘yun ang nangyari,” dagdag ni Dizon. Aniya, may mga “big fishes” pang kailangan panagutin. Gayunpaman, walang partikular na detalye sa pagkakakilanlan ng mga susunod sa kakasuhan at aarestuhin. “Sinabi na rin ng Pangulo, sinabi na rin ng Ombudsman na marami pang ibang susunod. So hintayin na lang natin kung sino ang susunod,” ani Dizon. “I think siya na talaga, right now, siya ang pinakamalaking isda talaga. At ‘yun na rin ang sinabi ng ating Ombudsman. Hintayin na lang natin pero marami pang ibang big fish sabi nga ng Ombudsman na parating.” Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation DOE: Mas mahabang krisis sa supply ng langis asahan Blogger itinalagang alalay ni Abalos sa Palasyo