HINDI na malulumbay sa kulungan si dating Senador Bong Revilla sa umano’y nalalapit na pagdakip ng dalawang senador mula sa hanay ng minorya.
Ayon kay Ombudsman Crispin Remulla, nakaantabay na rin ang mga arresting officers sa sandaling ilabas ng Sandiganbayan ang warrant of arrest sa mga minority senators na pinaniniwalaang dawit sa flood control scandal.
Sa isang panayam sa radyo, hindi tuwirang pinangalanan ni Remulla ang mga senador na namumuro makasama sa piitan si Revilla kasalukuyang nakapiit sa New Quezon City Jail para sa tatlong kaso ng malversation of public funds.
“‘Wag kayong mag-alala, yung arresting team naka-stand by na,” diin ni Remulla.
Bukod kay Revilla, kabilang sa mga senador na iniimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) sina Senador Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, at Francis Escudero.
Kabilang si Villanueva sa mga idinawit sa malversation complaint sa anim na reklamo laban sa Wawao Builders at Topnotch Catalyst Builders Inc.
Sina Estrada at Revilla ay may kinakaharap na hiwalay na plunder complaints sa DOJ.
Nakapaloob naman sa draft report ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kina Villanueva, Estrada, Escudero, Revilla, dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, at dating Caloocan Rep. Mitch Cajayon-Uy.
Ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon, maaaring gamitin ng DOJ ang lalabas na report ng Blue Ribbon panel.
“At best, it may be considered as leads that the department can follow and look into,” wika ni Fadullon.
