UMABOT na sa 46 ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa trahedya sa karagatan ng Basilan, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) matapos marekober ang isa pang bangkay sa lalim na 187 feet.
Sa isang kalatas, tiniyak ng PCG na tuloy ang search and rescue operation sa lumubog na MV Trisha Kerstin 3 sa karagatang sakop ng Baluk-Baluk Island, Basilan.
Ayon kay PCG Technical Diving Group (TDG) Supervisor Commander Cheska Jamorol, natagpuan ang bangkay sa accommodation area ng lumubog na barko.
Agad naman anilang isinakay at siniguro sa BRP Melchora Aquino at inilipat sa BRP Capones para ihatid sa Zamboanga City Port.
Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang Coast Guard District Southwestern Mindanao sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office para sa pagkakakilanlan at wastong disposisyon ng bangkay.
Sa pinakahuling tala, umabot na sa 46 ang bilang ng nasawi habang nananatiling 316 ang survivors. (JULIET PACOT)
