SA kabila ng babalang inilabas ng Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa tinaguriang “epal politics,” nagkalat sa mga lansangan ng Taytay ang larawan ng mga politiko.
Sa mga larawang ipinadala ng ilang residente ng lokalidad na dating kilala bilang Garments Capital of the Philippines, partikular na tinukoy ang mga politikong nakapaskil sa mga tarpaulin sa kahabaan ng JP Rizal Avenue ang mga lokal na opisyales — kasama ang mga sinasabing lalahok sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Nobyembre.

Una nang hinikayat ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang publiko na isumbong ang mga epal na politikong nagpapaskil ng kanilang mga pangalan at mukha sa nasasakupang lokalidad.
Sa ilalim ng anti-epal policy ng DILG, mahigpit na ipinagbabawal ang mga imahe, pangalan, o anumang pagkakahawig ng mga public official sa mga programa, aktibidad, at ari-arian na pinondohan ng kaban ng bayan.
Binigyang-diin ng kalihim na ang bawat proyekto ay binabayaran ng taumbayan kaya hindi ito dapat gamitin para sa personal na interes o political promotion. (EDWIN MORENO)
