PARA sa Korte Suprema, walang halaga ang anumang pagbawi sa testimonya ng mga biktima ng panghahalay.
Bilang patunay, sinampolan ng Korte Suprema ang isang ama na hinatulang “guilty beyond reasonable doubt” bunsod ng kahalayan sa sariling anak.
Sa resolusyon na akda ni Supreme Court Associate Justice Antonio Kho Jr., pinagtibay ng Second Division ang hatol sa naturingang padre de pamilya sa kasong lascivious conduct sa ilalim ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse Law.
Batay sa rekord ng husgado, 14-anyos pa lang ang biktima nang tangkain umano siyang hubaran at hipuan ng kanyang ama habang sila ay natutulog. Tinangka rin umano siyang gahasain ngunit nabigo.
Kinabukasan, isinumbong ng dalagita ang insidente sa kanyang titser na agad naman dumulog sa awtoridad.
Bagama’t kalaunan ay binawi ng biktima ang kanyang salaysay, sinabi ng Korte Suprema na hindi nito awtomatikong pinapawalang-bisa ang naunang malinaw at kapani-paniwalang testimonya.
Sa huli, pinagtibay ng SC ang hatol na reclusion perpetua sa akusado — bukod pa sa P225,000 na danyos sa biktima. (JULIET PACOT)
