MATAPOS kaladkarin ng mga International Criminal Court (ICC) prosecutors na co-perpetrator, nilinaw ni Senador Bong Go na walang anumang ilegal sa mga direktiba ni former President Rodrigo Duterte sa kanya.
Ayon kay Go, sa haba ng kanyang paglilingkod kasama si Duterte — mula sa Davao City Hall hanggang sa Malacañang — wala umano siyang natanggap na anumang utos na labag sa batas.
“Bilang kasama ni FPRRD noon sa pagseserbisyo mula mayor pa siya hanggang naging Special Assistant to the President ako bago nahalal na senador, walang iniutos si FPRRD sa akin na iligal. Hindi rin naman ako susunod sa anumang iligal na utos mula kaninuman,” wika ni Go.
Giit ng senador, ang kampanya kontra droga ng dating Pangulo ay nakatuon sa pagbibigay proteksyon sa mga kabataang Pilipino.
“Ang tanging hangarin ni dating Pangulong Duterte ay linisin ang ating bansa at labanan ang mga naghahasik ng lagim lalo na pagdating sa droga. Ito ay para proteksyunan ang ating mga anak,” aniya.
Ang kanyang tungkulin aniya sa ilalim ni Duterte ay walang kinalaman sa operasyon ng pulisya kundi administrative at clerical tasks lamang.
