HINDI dapat ipagkait sa mga kabataan ang edukasyong tanging landas para sa magandang kinabukasan, buod ng panukalang batas na inihain ni Senador Bam Aquino.
Sa ilalim ng Senate Bill 1937 (An Act Institutionalizing Support for Public Basic Education Schools in Geographically Isolated and Disadvantaged Areas), target ng panukala dalhin ang edukasyon sa mga liblib na bahagi ng bansa.
Ayon kay Aquino, hindi sapat na ang malaking alokasyon sa sektor ng edukasyon kung hindi isinasaalang-alang ang tinaguriang “last Mile Schools Program” sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA).
“Ito pong last mile para sa atin sa Manila, kasi malayo para sa atin, pero ito iyong first mile para sa mga kabataan na nais matulungan. It’s their First Mile, ito ang kanilang komunidad, ito ang kanilang barangay. Dito po sila nakatira. So bakit nating tatawaging last mile,” anang senador.
“Kaya iniba namin ang pangalan, ginawa naming GIDA, but I want to underscore that change because we want to take away the mindset na malayo ito sa tulong, malayo ito sa suporta, malayo ito sa pondo. Ito po dapat ang pinaka-inuuna,” dugtong ng chairman ng Senate committee on basic education.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Aquino na makatutulong ang panukala upang matiyak ang tuloy-tuloy na suporta para sa mga mag-aaral, guro, at komunidad sa mga liblib na lugar kung saan nananatiling hamon ang pag-access sa de-kalidad na edukasyon.
Lumabas aniya sa iba’t ibang konsultasyon na maraming mag-aaral sa malalayong komunidad ang dumadaan sa mahirap na paglalakbay upang makapasok lamang sa paaralan.
Binanggit din niya ang mga viral at trending na video kung saan nakita ang paglangoy ng mga bata sa ilog, pagtawid sa mga sirang tulay, pag-akyat ng bundok, at mahabang paglalakad patungo sa paaralan.
“Ayon sa ating mga konsultasyon, at batay na rin sa mga viral videos, nakita natin na napakahirap pa rin ng buhay ng mga estudyante sa mga malalayong lugar. Mayroon pa ring pong mga estudyante na kailangang lumangoy sa ilog, tumawid sa mga sira-sirang tulay, at maglakad ng ilang oras bago makarating sa paaralan. Napapanood lang po natin iyan. Sila, nararanasan po nila iyan araw-araw.”
Higit pa sa hirap sa pagpasok, iba pa aniya ang hamon pagdating sa paaralan — kakulangan sa guro, sirang silid-aralan, at siksikan sa klase, kawalan ng access sa mga learning materials, feeding programs, at psychological support services.
Mungkahi ni Aquino, isang tunay na reporma para mapabuti ang access sa edukasyon sa malalayong lugar, kabilang ang pagtatakda ng accessibility standards upang matiyak na ang mga paaralan ay nasa loob ng tatlong kilometro na walking distance mula sa mga komunidad.
“At kung hindi po iyon posible dahil sa geography ng isang GIDA, dapat mayroong ligtas at murang transportasyon para sa mga estudyante,” giit ni Aquino.
Itinatakda ng panukala ang pagtatayo ng sapat na mga silid-aralan at mas malapit na koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang matiyak na may access ang mga paaralan sa kuryente at internet connectivity.
Target din ng panukala bigyang-suporta ang mga gurong nakatalaga sa malalayong lugar, kabilang ang hazard pay, transportation at hardship allowances, pati na rin ang housing assistance o staff housing.
Samantala, tinutulak din sa panukala ang pagbibigay-prayoridad sa mga lokal na guro, dahil mas pamilyar aniya sila sa wika, kultura, at mga realidad ng mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran. (ESTONG REYES)
