HINDI biro ang epekto ng sunod-sunod na bigtime oil price increase sa mga pangkaraniwang Pilipino, gayundin sa ekonomiya ng estado, ayon kay Senador Mark Villar.
Sa isang kalatas, nanawagan si Villar sa administrasyong Marcos na ikonsidera ang paglabas ng polisiyang tugon sa kinakaharap na krisis sa langis bunsod ng umaatikabong digmaan sa Middle East.
“Alam natin na mabigat sa bulsa ng ating mga kababayan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at krudo. Kaya mahalagang pag-aralan natin kung ano pa ang maaaring gawin ng pamahalaan upang mapagaan ang epekto nito sa ating mga mamamayan lalo na sa sektor ng agrikultura at transportasyon,” wika ng senador.
Una nang nagpahiwatig ng agam-agam si Energy Secretary Sharon Garin sa aniya’y patuloy na pagsipa sa presyo kada litro ng mga produktong petrolyo sa mga susunod na linggo, lalo pa’t patuloy ang hidwaan sa pagitan ng Iran at pinagsamang pwersa ng Israel at Estados Unidos.
Sa pagtataya ng Kalihim, maglalaro mula P17 hanggang P24 kada litro ang inaasahang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa lokal na merkado.
Habang patuloy ang giyera sa Middle East, lubos na ikinabahala ni Villar ang epekto ng krisis sa sektor ng agrikultura. Partikular na tinukoy ng mambabatas ang inaasahang pagtaas sa presyo ng abono at gastos sa pagbiyahe ng mga ani ng mga magsasaka.
Hindi rin aniya dapat ipagsawalang bahala ang napipintong pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa pamilihan, kuryente at pamasahe batay na rin sa babala ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
“Lahat po tayo ay apektado dito kaya suportado po natin ang mga karagdagang polisiya o programa na maaaring ipatupad upang protektahan ang kapakanan ng ating mga mamamayan,” aniya.
Garantiya ni Villar, kanyang susuportahan ang anumang mekanismong magpapatibay sa sektor ng enerhiya para maibsan ang pagdurusa ng sambayanan dahil sa isang digmaang wala naman kinalaman ang mamamayan. (CESAR MORALES)
