GANAP nang nagsimula ang panahon ng tag-init, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Higit pa sa taunang tag-init, ibinahagi rin ng ahensya ang nakaambang tagtuyot na dala ng sukdulang temperatura.
“The shift of wind direction from northeasterly to easterly due to the formation of the high pressure area over the northwestern Pacific signifies the termination of the northeast monsoon and the start of the warm and dry season,” saad sa isang bahagi ng kalatas ng government weather bureau.
“However, some areas of Northern Luzon may still experience occasional northeasterly winds,” dagdag pa ng ahensya. Ang northeast monsoon ay karaniwang nagdadala ng mas malamig na temperatura sa mga bahagi ng bansa mula Oktubre hanggang Marso.
Sa pagsisimula ng tag-init at tagtuyot, inaasahang tataas ang antas ng heat index hanggang Mayo.
Payo ng Pagasa sa publiko, uminom ng maraming tubig, limitahan ang oras sa labas at gumamit ng pananggalang sa init ng araw para maiwasan ang mga sakit na iniuugnay sa tag-init.
