ASAHAN ang mas mahigpit na pagbabantay ng Philippine National Police (PNP) sa online gaming platform na nasa likod ng kinababaliwang laro ng mga bata — ang Roblox.
Sa kalatas ng pambansang pulisya, ipinag-utos ng Philippine National Police (PNP) ang malalimang surveillance at imbestigasyon kasunod ng mga ulat na ginagamit umano ng mga “predator” ang mga interactive features ng Roblox para mambiktima ng mga menor de edad.
Sa ilalim ng direktiba ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan ang Anti-Cybercrime Group na kalsuhan ang anumang ilegal na aktibidad sa mga kabataan.
Katuwang ang Department of Information and Communications Technology at Cybercrime Investigation and Coordinating Center, target ng PNP kumalap ng datos sa lawak ng paggamit sa Roblox para sa mga krimen kabilang na ang sexual predation, grooming at exploitation ng mga minor.
Gayunpaman, nilinaw ni Nartatez na hindi limitado sa Roblox ang imbestigasyon ng PNP. Katunayan aniya, kabilang sa tutugisin ang iba pang online gaming at social platforms.
