KUNG pagbabatayan ang mga ebidensya at testimonya ng mga testigo, malinaw na ginamit ni Vice President Sara Duterte ang pwesto sa gobyerno para tiyakin na kikita ang mga negosyo.

Para kay dating Surigao del Norte Rep. Ace Barbers, malinaw na may conflict of interest ang pagnenegosyo ng mga opisyal ng pamahalaan habang nasa pwesto, alinsunod sa 1987 Constitution. 

Partikular na pinagbatayan ni Barbers ang mga official record mula sa Securities and Exchange Commission (SEC) at Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS), gayundin ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) na idineklara ng pangalawang pangulo.

Ayon kay Barbers to tumatayong tagapayo at tagapagsalita ng House impeachment team, nais patunayan ng prosekusyon ang pagkakaroon ng financial interest ni Duterte sa Gencorp Industries Inc., na nakasungkit ng mga kontrata sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

“Dahil nga meron tayong batas na ipinagbabawal sa ating Presidente, Bise Presidente na mag-engage in any business, or must not have any pecuniary interest or financial interest, ito ay may sinasabing posibleng violation ng ating Saligang Batas,” paliwanag ni Barbers.

“So ’yan ang kailangan patunayan natin dito. Patototohanan natin ngayon dito sa article na ito,” dagdag niya.

Base sa testimonya ni PhilGEPS Division Chief Rendell Sopeña, mula Hulyo 21, 2022 hanggang Hunyo 23, 2026, ang nasabing food corporation ay nakakuha ng 49 government contracts, na mayroong kabuuang halaga na P35,878,188 sa panahon panunungkulan ni Duterte bilang bise presidente.

Sa mga nasabing kontrata, 15 ang mula sa Davao City government na may kabuuang halaga na P34,216,900 bukod pa sa 33 contracts mula sa Philippine Health Insurance Corporation Region XI na aabot sa P1,331,288 at isa sa Overseas Workers Welfare Administration Region XI sa halagang P330,000.

Giit ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, ang nakuhang kontrata ng Gencorp Industries Inc. sa Davao City ay masasabing may conflict of interest dahil kapatid ng bise presidente ang nakaupong alkalde ng lungsod.

“Meron kasing prohibition talaga—prohibition ng financial interest—kasi dito papasok ’yung conflict of interest na sinasabi, with the blood relation of the local chief executive, si Mayor Baste, with that of one of the shareholders nitong Gencorp, na sila ’yung nagkapanalo ng kontrata sa City Hall,” ani Alonto Adiong.

“So ’yun man lang on that aspect, talagang merong violation. Not to mention also that, again, bumabalik tayo doon sa dapat na nag-divest ang Vice President,” dugtong niya.

Nakasaad sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) na isinumite ni Duterte para sa taong 2024 at 2025 ang pagkakaroon ng shares of stocks Gencorp Industries Inc. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *