Pinangunahan ni Senador Mark Villar ang pamamahagi ng mga wheelchair at grocery packages sa Cabuyao, Laguna bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan. Sa kanyang wheelchair assistance program, muling tiniyak ng Senador ang patuloy na suporta sa mga batas at serbisyong magtataguyod sa karapatan at kalusugan ng bawat Pilipino.
BAGO pa man ganap na matapos ang taunang selebrasyon ng National Women’s Month, muling tinungo ni Senador Mark Villar ang lungsod ng Cabuyao sa lalawigan ng Laguna.
Bitbit ang assistance caravan, pinangunahan ni Villar ang pamamahagi ng wheelchair at foodpacks sa mga kababaihang may kapansanan.
“Sa pagdiriwang ng Women’s Month, nais nating tiyakin na walang maiiwan, lalo na ang ating mga kababaihan na PWDs na nangangailangan ng tulong medikal at suporta sa kanilang araw-araw na pamumuhay,” wika ni Villar.
Sa pamamagitan ng tinaguriang “wheelchair assistance caravan,” muling nanindigan ang mambabatas sa binitawang pangako — ang pagsusulong ng mga programang naglalayong isulong ang programang pangkalusugan na walang kinikilalang kasarian.
“Bilang pagkilala sa inyong mahalagang papel sa ating lipunan ay patuloy kaming gagawa ng mga batas na magtataguyod sa inyong mga karapatan at upang mabigyan kayo ng mas marami pang oportunidad sa buhay” pagtatapos ni Villar.
