ANG Independent Commission on Infrastructure (ICI) na mismo ang nagsabing walang patunay na sangkot sa flood control scandal si former House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez.
Ito ang tugon ni Tingog partylist Rep. Jude Acidre sa umano’y ikinakalat na kasinungalingan ni Navotas Rep. Toby Tiangco na pilit aniyang nagdidiin sa dating lider ng Kamara.
Ayon kay Acidre, ang pagkakalat ng maling impormasyon o ‘fake news’ ng Navotas solon ay sumisira rin sa tiwala ng taumbayan sa ICI.
“Walang rekomendasyon na kasuhan si Speaker Romualdez ng plunder gaya ng sinasabi ni Rep. Toby Tiangco. This kind of reckless misrepresentation undermines public trust in independent institutions and misleads the Filipino people,” wika ng partylist congressman na tumatayong chairman ng House Committee on Higher and Technical Education.
Paalala ni Acidre, ang ICI ay isang fact-finding body na nilikha sa bisa ng Executive Order 94. Sa ilalim ng EO 94, ang ICI binigyan ng kapangyarihan maglabas ng rekomendasyon sa paghahain ng kaukulang kaso laban sa mga mapatutunayang sangkot sa infra scam.
Bagamat naglabas ng “referral” ang ICI para sa Office of the Ombudsman na magsagawa ng sariling independent investigation, nilinaw naman ng fact-finding body na walang anumang magpapatunay sa pagkakasala ng Leyte solon.
“It bears stressing that in other instances, the ICI has expressly recommended the filing of specific cases against identified individuals. No such recommendation was made here.”
