SA gitna ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa ibayong pagtitipid bunsod ng krisis na dulot ng giyera sa Middle East, nakatakdang lumipat ang Department of Justice (DOJ) sa isang mamahaling gusali sa Parañaque City.
Sa isang pahayag, ibinahagi ni Justice Secretary Fredderick Vida ang magsisilbing bagong tahanan ng ahensya — sa kahabaan ng Aseana Avenue, hindi kalayuan sa Mall of Asia at iba pang malalaking establisyemento sa Parañaque City.
Ayon kay Vida, inaasahan ang paglilipat ng kagawaran sa gusaling nagkakahalaga ng P15 bilyon bago matapos ang kasalukuyang taon.
Kabilang sa mga tanggapan na dadalhin sa bagong gusali ang Office of Secretary Justice Prosecution Service (OSJPS), gayundin ang mga tanggapan ng state prosecutor, legal services at iba pa.
Makakasama rin aniya ng DOJ sa nasabing gusaling ang Prosecutors Office ng Pasay at Parañaque.
Sa kasalukuyan, nasa naturang lugar na rin ang punong tanggapan ng iba pang ahensya ng pamahalaan — Bureau of Immigration (BI), National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Interior and Local Government (DILG).
“Mas bibilis na ugnayan ang magagawa (there will now be faster communication and coordination among these government agencies and the DOJ,” wika ng DOJ chief.
Gayunpaman, nilinaw ng Kalihim na mananatili sa departamento ang tanggapan sa Maynila. Katunayan aniya, target ng ahensya iwan ang ibang sangay ng DOJ sa lumang gusali.
