SA pagtatapos ng libreng-sakay sa lungsod ng Maynila, nagpaabot ng lubos na pasasalamat ang lokal na pamahalaan sa mga tsuper at operator na nakiisa sa naturang programa.
Ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno, aabot sa 931,831 pasahero ang nabigyan ng panandaliang ginhawa sa programang libreng sakay sa buong lungsod sa loob ng limang araw — Marso 30, 31 at April 6 hanggang 8 ng kasalukuyang taon.
Aniya, nasa 1,128 jeep ang nakibahagi upang maghatid ng libreng sakay sa mga pasahero mapa-residente man o hindi sa lungsod.
Pag-amin ni Moreno, wala munang extension ang libreng-sakay program sa nasasakupang lungsod. Gayunpaman, naniniwala ang alkalde na nakatulong maski paano ang naturang programa — hindi lamang sa mga pasahero kundi maging sa hanay ng mga tsuper at operator na lubos na apektado sa patuloy na pagtaas sa presyo ng krudo.
Samantala, tiniyak ni Moreno na patuloy magsasagawa ng mga hakbang ang lokal na pamahalaan para makatulong sa mga apektadong Manileño.
