MATAPOS ang walong taon, ganap nang pinawalang sala ng Korte Suprema ang isang indibidwal na inaresto at ipiniit bunsod ng pagdadala ng patalim sa panahon ng eleksyon noong 2018.
Sa desisyon ng Korte Suprema, nilinaw ni Associate Justice Henri Jean Paul Inting na hindi saklaw sa batas na nagbabawal sa pagbibitbit ng armas ang patalim.
Hindi rin aniya napatunayan ang pagkakasala ng akusadong hindi pinangalanan ng kasong paglabag sa Section 261 (p) ng Batas Pambansa Blg. 881 at Omnibus Election Code ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon sa kataas-taasang hukuman, ang pagbabawal sa pagdadala ng armas tuwing eleksyon ay nalalapat lamang sa mga baril at iba pang “regulated arms,” ngunit hindi kabilang ang mga patalim tulad ng kutsilyo, maliban kung bitbit hanggang sa loob o bisinidad ng voting precinct.
Hindi tulad ng mga baril, na ipinagbabawal sa lahat ng pampublikong lugar tuwing eleksyon, ang mga kutsilyo ay sakop lamang ng pagbabawal sa mga lugar na malapit sa botohan.
Bagama’t napatunayang may dalang kutsilyo, wala rin umano patunay na siya’y nasa loob ng 100 metrong layo sa voting precinct sa mga araw at oras na sakop ng batas.
Inaresto ang lalaki noong 2018 matapos matyempuhan may dalang kitchen knife sa labas ng kanyang tahanan.
Kalakip ng desisyon ang pagbasura sa sentensyang iginawad ng Regional Trial Court at Court of Appeals.
