TINABLA ng Court of Appeals (CA) ang petisyon na inihain ni dating Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr. kaugnay sa paglabas ng warrant laban sa kanya at mga anak noong 2023.
Batay sa desisyong akda ni Associate Justice Apolinario Bruselas Jr., hindi pinagbigyan ng CA Third Division ang hiling ni Teves bunsod ng kabiguan patunayan ang pagkakamali ng hukom sa inilabas na mandamiento.
Una nang inakusahan ni Teves si Judge Renato Enciso ng Manila Regional Trial Court ng grave abuse of discretion nang hindi nito pinawalang-bisa ang search warrants at pinagtibay pa ang legalidad nito na nagbigay-daan para sa pagsasampa ng kasong illegal possession of firearms and explosives laban sa dating mambabatas.
Nag-ugat ang kaso nang madiskubre sa bahay nina Teves at mga anak ang mga baril, bala at pampasabog pero iginiit niyang dapat ipawalang-bisa ang mga warrant at hindi dapat tinanggap ang ebidensyang nakuha.
Hindi rin sinang-ayunan ng appellate court ang argumento na iligal ang paghalughog sa bahay kung saan pinahintulutan umano ng warrant ang paghahanap sa buong lugar, at nanatili sa legal na hangganan ang mga operatiba.
Sabi pa ng CA, hindi rin maituturing na bunga ng iligal na paghahanap ang pagkakatuklas ng iba pang armas at pampasabog sa loob ng bahay ni Teves.
Nahaharap ang dating kongresista sa patung-patong na kasong kriminal kabilang ang pagpatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam pa noong 2023.
