HINIMOK ni Solid North Partylist Rep. Ching Bernos ang lahat ng local government units (LGU) na buhayin muli ang diwa ng bayanihan sa nakaambang pagbabago sa pagdaraos ng klase sa mga kolehiyo at pamantasan.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Bernos ang nakaambang online class setup bunsod ng nararanasang krisis sa langis dahil na rin sa patuloy na hidwaan sa Middle East.
Ginawa ni Bernos ang panawagan matapos pahintulutan ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagsasagawa ng online classes sa mga kolehiyo at unibersidad bunsod ng nararanasang krisis sa enerhiya.
“Sadly, due to the oil crisis we seem to have reverted to ‘pandemic mode’ with the shift to online classes. But that shouldn’t mean that inequities and gaps that were observed during the pandemic should continue to exist. Dapat matugunan ito,” wika ng Solid North partylist lady solon.
“In this regard, I hope that our LGUs can also provide support to students who lack resources to ensure that they are not left behind in their studies. Kailangan natin bantayan ito. This national crisis must not become an education crisis,” dugtong ng mambabatas.
Sinabi ni Bernos na noong panahon ng Covid-19 pandemic, iba’t-ibang pamamaraan ang isinagawang ng mga LGU para makaagapay ang kanilang mga mag-aaral sa ipinatupad na online distance learning.
Kabilang sa pwede aniyang ambag ng mga lokal na pamahalaan ang paglalagay ng free wi-fi hubs, pamamahagi ng internet voucher at subsidies, gayundin ang pagbibigay ng tablets, cellphones, at laptops sa mga estudyante at maging sa mga guro.
“I believe that once again, our LGUs can be instrumental in ensuring that the educational crisis we are facing does not deepen further,” diin pa ni Bernos.
Matatandaan na nauna na ring umapela si Bernos sa LGUs na ikonsidera at magpatupad ng service contracting agreement sa hanay ng public transport para makatulong kapwa sa mga commuter, drayber at operator na apektado sa pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo.
