DALAWANG overseas Filipino workers (OFW) na nagtatrabaho bilang domestic helpers sa bansang Lebanon ang kumpirmadong pinaslang matapos gawing hostage ng aburidong amo.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), naganap ang insidente noong Abril 15 sa lungsod ng Beirut sa naturang bansa.
Sa impormasyong nakalap ng DMW, lumalabas na matagal nang nagsisilbi sa bahay ng Lebanese na suspek ang mga biktimang nagtamo ng tama ng bala mula sa baril na hawak ng hindi pinangalanang amo.
Agad naman nadakip ang suspek na nasa kustodiya ng pulisya.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang Migrant Workers Office (MWO) at Embahada ng Pilipinas sa mga awtoridad sa Lebanon para sa masusing imbestigasyon at agarang pagsasampa ng kaso.
Tiniyak naman ng DMW ang pagbibigay ng tulong — pinansyal, repatriation at iba pang benepisyo – sa pamilya ng mga nasawing OFW.
