NASA 47 Pinoy ang binawian ng buhay kada araw dahil sa labis na pag-inom ng alak, ayon sa isang kongresista kasabay ng paghahain ng panukalang batas na naglalayong patawan ng buwis ang nakakalasing na inumin.
Sa ilalim ng House Bill 5475, target ni Akbayan partylist Rep. Dadah Kiram Ismula, taasan ang ipinapataw na buwis sa alak na karaniwan aniyang sanhi ng pagkakasakit — kung hindi man aksidente sa lansangan.
“Karamihan sa ating mga kababayan, kasama ang middle class, may isang ma-ospital lang sa pamilya, ubos na ang savings o nababaon na sa utang. Dahil malaking pinsala ang dulot ng alak at ng buong alcohol industry sa ating lipunan, nararapat lamang na malaki rin ang buwis na ipinapataw sa kanila,” wika ni Ismula.
“Sa gitna ng economic crisis na kinakaharap natin ngayon, ayokong umabot tayo sa punto na sasabihin ng gobyerno: ‘Wala na tayong budget para sa libreng gamot’ o ‘Ubos na ang pera para sa treatment’,” dugtong ng lady solon.
Sa ilalim ng panukalang batas, itataas sa P88 ang ang ad valorem tax sa bawat litro ng alak mula sa kasalukuyang P48 habang ang specific tax na P47 target itaas sa antas na P109 kada litro.
“Hindi laging nakikita ang pahamak ng alak – mga pamilya na nawawalan ng miyembro dahil sa alak, mga kwento ng mga batang natutulog nang gutom dahil napunta sa alak ang sweldo ng magulang, mga tahanang puno ng sigawan at pananakit, at ang pagkakaroon ng kanser at sakit sa puso,” pahabol ni Ismula.
