PUMALO na sa 12 katao ang binawian ng buhay sa lungsod ng Zamboanga, dahilan para magdeklara ng “outbreak” ang lokal na pamahalaan.
Sa datos ng Zamboanga City Health Office, umabot na rin sa 1,241 katao mula sa 39 na barangay ang kumpirmadong tinamaan ng nakamamatay na karamdaman.
Sa naturang bilang anang Zamboanga City Health Office ay 500 porsyentong mas mataas kumpara sa naitala sa parehong panahon noong nakalipas na taon.
Ayon kay Zamboanga City Mayor Khymer Olaso, pinakamarami ang naitalang kaso ng dengue sa mga barangay ng Calarian, Sta. Maria, Talon-Talon, Ayala at Putik mula Hunyo 25 hanggang Hulyo 27 ngayong taon.
Kinumpirma naman ni City Health Officer Dr. Dulce Miravite na lumampas na sa itinakdang entomological threshold ang bilang ng mga lamok na nagdadala ng dengue, na umabot umano sa 12 beses ng safety limit, na nagdudulot ng mas mataas na posibilidad ng pagkalat ng sakit.
Noong Agosto 3, inaprubahan ng City Disaster Risk Reduction and Management Council ang resolusyon na nagrerekomenda ng deklarasyon ng outbreak, na itinuturing na pinakamalalang dengue situation sa lungsod mula noong 2022.
Nanawagan si Mayor Olaso sa lahat ng 98 barangay ng lungsod na palakasin ang mga hakbang sa paglilinis at pagpapanatili ng kalinisan upang mapigilan ang pagdami ng lamok na nagdadala ng dengue.
