ANG dapat sana’y mahabang bakasyon sa Quezon City Jail, nauwi sa maagang pagpanaw ng limang presong sakay ng isang police patrol car na maghahatid sa kanila sa piitan.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), lima sa anim ng persons under police custody (PUPC) na sakay ng Toyota Hilux patrol car ang kumpirmadong nasawi, habang nagtamo naman ng pinsala sa katawan ang apat na pulis matapos sumalpok sa pader ang sasakyan.
Kinilala ang mga sakay na PUPC sa pangalang Raymark, Reyes, Donato, Rogie, Jhojaman, at Jhin, habang sugatan naman sina MSg Ramos Meynard Fernandez, Pat. Jay Materum, Pat. Ronie Nobleza Santoyo at Pat. Jelslee Racimo Reyes.
Batay sa paunang imbestigasyon, dakong alas 11:30 ng umaga nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng Payatas Road sa Barangay Payatas, Quezon City.
Ayon kay Maj Jennifer Gannaban ng QCPD Public Information Office (PIO), isa sa anim na PUPC ang inoobserbahan pa sa ospital. Ligas na sa kapahamakan ang apat na pulis na maghahatid sana sa mga preso sa city jail.
Kinilala ang mga sakay na PUPC sa mobile na sina alyas Raymark, Reyes, Donato, Rogie, Jhojaman, at Jhing, gayunman hindi pa batid kung sino ang lima dito ang nasawi.
Kwento ng pulis na nagmamaneho ng patrol car, binabaybay ang nasabing ruta patungo sa city jail nang biglang nagkaroon ng brake failure na naging dahilan upang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver — hanggang sa sumalpok sa pader.
Agad naman isinugod ang mga biktima sa pagamutan kung saan binawian ng buhay ang limang preso.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa naturang insidente.
