PORMAL nang sinampahan ng kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) ang asawa at anak ni dating Anakalusugan Rep.Mike Defensor sa Pasig City Prosecutor’s Office.
Ito ang kinumpirma mismo ni NBI Director Atty. Melvin Matibag kasunod ng paghahain ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Person Act laban kina Julie Rose Defensor, Miguel Gabriel Defensor at iba pa.
Ilang araw pa lang ang lumipas nang salakayin ng NBI ang Chicago Nightclub at Bleu Hotel sa Pasay City kung saan hindi bababa sa 54 kababaihan ang sinagip ng mga operatiba.
Giit ng NBI, pugad ng human trafficking ang naturang establisyemento. Sa pagsusuri ng kawanihan, napag-alaman na pag-aari ng mag-inang Defensor ang sinalakay na negosyo.
Sa ulat ng NBI, ikinubli sa posisyong ‘customer care assistants ’ ang mga kababaihang biktima ng sexual exploitation kapalit ng P10,000 hanggang P20,000.
Nangyayari umano ang “milagro” sa mga kwarto ng hotel na pagmamay-ari umano ng kumpanyang pinangangasiwaan ng mag-inang Defensor.
Bistado rin anang NBI ang paggamit ng droga sa nasabing establisyemento.
