LABINTATLONG taon matapos ganap na maging batas, hindi pa rin ipinapatupad ang Republic Act 9999 (Free Legal Assistance Act of 2010). Ang dahilan – hindi pa tapos ang pagbabalangkas ng Implementing Rules and Regulation (IRR) na panuntunan bago ang implementasyon.
Sa isang pulong-balitaan, minabuti na ng Public Attorneys Office (PAO) na mag-alok ng tulong sa Korte Suprema sa hangaring makumpleto at masimulan ang implementasyon ng batas na nagbibigay ng libreng serbisyo ng mga abogado sa mga maralitang may kaso sa husgado.
Ayon kay PAO Chief Atty. Persida Rueda Acosta, handa ang PAO na makipag-ugnayan sa Supreme Court – Committee on Rules na inatasang umakda ng IRR ng batas na isinulong ni Sen. Lito Lapid at ganap na naging batas sa bisa ng lagda ng noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ilang buwan bago bumaba sa pwesto taong 2010.
Partikular na tinukoy ni Acosta ang IRR patungkol sa Section 5 ng RA 9999 kung saan nakasaad ang mga insentibo sa mga abogadong ‘pro-bono’ – yaong nagkakaloob ng aktwal na libreng serbisyong legal.
Kamakailan lang, lumihan na rin si Acosta kay Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo kung saan pormal na hiniling ang pagpapalabas ng IRR para sa RA 9999.
“We believe that such issuance (IRR) is very timely and will significantly address the issue of lack of legal representation due to conflict of interest,” dagdag ng PAO chief.
Kasabay nito, umapela din ang PAO lawyers na tanggalin ang isang probisyon sa bagong aprubang New Code of Professional Responsibility and Accountability o Canon III dahil sa aniya’y conflict of interest.
“We humbly submit that Section 22, Canon III might give a current PAO client the impression that he is being blindsided as it says ‘such conflict of interest shall not disqualify the rest of the lawyers from PAO representing the affected client upon full disclosure to the latter and written informed consent,” pagtatapos ni Acosta.
