
HINDI ikinalugod ng hanay ng mga mangingisda ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na italaga si Vice President Sara Duterte bilang vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa isang kalatas, hayagang inalmahan ng militanteng grupo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) ang anila’y pag-upo sa NTF-ELCAC ng tinawag nilang ‘notorious red-tagger.’
Sa nakalipas na anim na taon, agresibong isinusulong ng PAMALAKAYA at iba pang militanteng sectoral groups ang pagbuwag sa NTF-ELCAC na di umano’y walang pakundangan tawaging komunista ang sinumang bumabatikos sa gobyerno.
“With the designation of Sara Duterte, a notorious red-tagger, as a co-vice chairperson of NTF-ELCAC, this is all the more reason to demand its abolition. The appointment of VP Duterte could intensify and institutionalize the task force’s terror-labeling spree of cause-oriented organizations and democratic activists,” saad sa isang bahagi ng pahayag ng PAMALAKAYA.
Anila, ang NTF-ELCAC ay isa sa mga pangunahing instrumento para sa terorismo ng estado, partikular sa ilalim ng termino ng noo’y Pangulong Rodrigo Duterte – ang ama ng bagong talagang NTF-ELCAC Vice Chairperson.
Hindi rin anila tinutugunan ng NTF-ELCAC ang mga punong dahilan kung bakit may armadong pakikibaka sa mga kanayunan.
Para sa grupong PAMALAKAYA, layon lang di umano ng NTF-ELCAC na kitilin ang demokrasya sa ngalan ng mapagsamantalang status quo.
“We reassert that the widely-renounced task force be dissolved to full irrelevance. Aside from abolition, its former and current officials should be held accountable over their rabid terror-labeling that continues to endanger the lives of activists and advocates,” ani Ronnel Arambulo na tumatayong tagapagsalita ng PAMALAKAYA.