
SA pagtatapos ng appointment ban para sa mga natalong kandidato noong Mayo ng nakaraang taon, kinumpirma mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang napipintong balasahan sa gabinete sa mga susunod na linggo.
Subalit para kay Marcos, mas angkop na tawagin ‘reorganization’ (sa halip na balasahan) ang mga ilalatag na pagbabago sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
“Yes, there’s really going to be – I don’t know about reshuffle but – a reorganization of the Cabinet,” ani Marcos sa mga mamamahayag.
Ayon sa Pangulo, tapos na ang pagsusuri sa mga itinalagang opisyales at may talaan na rin aniya siya ng mga mananatili sa kanilang pwesto.
Kabilang sa mga sinisipat ng Pangulo para sa mga bagong itatalaga sa pwesto ang ilan sa mga hindi pinalad na makalusot sa halalang ginanap noong Mayo ng nakaraang taon.
Una nang lumutang ang mga pangalan nina Dr. Willy Ong, dating Defense Secretary Gibo Teodoro, dating Presidential Spokesperson Harry Roque, Atty. Larry Gadon at Manny Pinol. Usap-usapan rin ang pagpasok ni former Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na pinsan ng asawa ni Marcos.
Kabilang naman sa mga kagawarang wala pang permanenteng Kalihim ang Department of Health (DOH) na pinamumunuan ni Undersecretary Rosario Vergeire bilang officer-in-charge, Department of National Defense (DND) na nasa ilalim ng pamumuno ni former Presidential Adviser Carlito Galvez at Department of Agriculture (DA) kung saan ang mismong Pangulo ang tumatayong Kalihim.