SA gitna ng napipintong pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte, umarangkada ang pag-ikot ng isang grupong kinabibilangan ng mga retiradong heneral para mangilak ng suporta sa ilulunsad na kudeta laban sa administrasyon.
Gayunpaman, nilinaw ni Senate President Panfilo Lacson na malabong magtagumpay ang naturang plano. Ang dahilan — tinabla ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang hirit na suporta.
“Medyo definite ang meron talagang nag-a-attempt pero sa labas ng AFP. Kung meron man sa loob, mangilan-ngilan siguro na nare-recruit. At ito naman sinagot ng liderato ng AFP. Sa loob naman, ako personally wala akong namomonitor base sa aking contact ko sa loob ng PNP na may ganyang mag-snowball na layunin. Pero definitely may nag-a-attempt. Karamihan ang mga retired officers,” wika ni Lacson.
Sa tanong na kung may tsansa bang magtagumpay ang naturang pagkilos, sinabi ni Lacson na wala, dahil propesyonal ang AFP.
“As long as professional ang ating AFP and I would like to believe na professional ang ating AFP. Walang compelling reason para magkaroon ng military junta or another People Power revolution,” aniya.
Noong nakaraang taon, tinutulan ni Lacson ang panukalang military-backed na “reset” o junta sa gitna ng galit ng publiko sa mga isyu ng korapsyon, at iginiit na dapat manatili ang pananagutan sa loob ng konstitusyonal na proseso.
Sa ilalim aniya ng 1987 Konstitusyon, ang linya ng presidential succession ay nagtatapos sa House Speaker. Ito umano ang isa sa mga dahilan kung bakit niya inihain ang “Designated Survivor” bill na magpapalawak sa succession upang maisama ang pinaka-senior na miyembro ng Senado at Kamara.
