IDINAAN ng House Committee on Justice sa botohan ang pagpapasya kung bubuksan ang selyadong kahon na naglalaman ng tax records ng mag-asawang Vice President Sara Duterte at Atty. Manases Carpio.
Sa 38 kongresista ang pabor at anim na kumontra, idineklara ni House Justice Committee chair at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro ang desisyon huwag galawin ang naturang kahon at sa halip ay isumitena lamang sa Senado sa hudyat ng pag-usad ng impeachment trial.
Para kay Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., dapat manatiling selyado ang kahong isinumite ng Bureau of Internal Revenue sa komite dahil sa mga naunang ebidensiyang natalakay nila ay mayroon na umanong labis-labis ng mga patunay para matuloy sa pormal na pagdinig ng Senate impeachment court sa mga sumbong laban sa sa bise-presidente.
“Ang paninindigan natin: Keep it sealed for now. Hayaan natin ang Senado ang magbukas nito bilang bahagi ng impeachment trial para buksan ang katotohanan sa tamang panahon ng paglilitis. Huwag nating pangunahan ang proseso para sa kapakanan ng ating legal system at ng ating bansa,” wika ni Abante, na tumatayong chairman ng House Committee on Human Rights.
“‘Di ba mas maganda na may suspense ika nga. Nasuri na natin ang impeachment complaints at mga kalakip na ebidensya, at naniniwala ako if every congressman will just appreciate the pieces of evidence that has been talked about in this committee, hindi po malabo na ito ay magtagumpay sa plenaryo at makarating sa impeachment court,” dugtong ng Manila solon.
Subalit iginiit naman nina House Senior Deputy Majority Leader Lorenz Defensor (Iloilo 3rd District) at House Senior Deputy Minority Leader Leila (Mamamayang Liberal Partylist) may kapangyarihan ang Justice committee sa impeachment proceedings na ipa-subpoena at busisiin ang mga kaukulang dokumento kabilang ang tax records.
“Kung exception itinuturing ang paghingi o pag-request ng appropriate House committee in aid of legislation, lalo na pong dapat payagan—lalo pong dapat irecognize ang pagkuha ng impormasyon na ‘yan while sitting in an impeachment proceedings ang komiteng ito because higher level, superior level ang status ng ating komite kapag sitting in an impeachment proceeding,” ani De Lima.
“Let us be clear, uulitin ko lang po, impeachment is not a mere legislative inquiry. It is a distinct constitutional process. To allow a provision of the tax code to override the constitutional power of impeachment is to invert the hierarchy of laws,” dagdag niya.
Sumegunda naman si Defensor at sinabing ang hindi pagbubukas ng selyadong kahon at pagbulatlat sa tax records ng Duterte-Carpio couple ay maituturing din isang betrayal of public trust.
“We should let the Filipino people see what’s inside that box and allow the members of this committee to assess what evidence is inside the box kung ito ba ay nakakapag patatag ng ebidensya sa vice president o makaka suporta sa respondent at sa kanyang posisyon na siya’y walang kasalanan,” ani Defensor.
Pabor din si Tingog Partylist Rep. Jude Acidre sa dalawa at sinabing sa pamamagitan ng mga dokumento ay matutukoy ang katotohanan subalit nilinaw niya na ang kanilang gagawin ay hindi para manghusga bagkus ay mabigyan ng linaw ang financial records ng nasasakdal at mister nito.
Sina Manila Rep. Joel Chua, Iloilo Rep. Janette Garin at Akbayan partylist Rep. Chel Diokno naman ay ipinunto na dapat maging maingat ang Justice panel at tutukan ang kanilang mandato sa pagtukoy kung may probable cause o sapat na batayan para mapa-impeachment si Duterte.
“If we are talking about probable cause, para sa akin, andyan na ang mga ebidensya, sapat na ‘yan para makapag determina na tayo kahit hindi natin bubuksan ‘yang kahon na ‘yan. Mayroon pong kasabihan sa batas, ex abundanti cautela—’with extreme caution’—and out of the abundance of caution, I believe it would be more prudent to leave it to the Senate to side whether to open the box or not,” ang punto pa ni Diokno.
Bunsod nito, nag-mosyon si Defensor na pagbotohan nila kung ano ang dapat na maging posisyon ng kanilang komite sa naturang BIR documents.
