KINUMPIRMA ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na binisita ni Vice President Sara Duterte ang self-confessed bagman na si Ramil Madriaga sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City noong nakaraang taon.
Gayunpaman, nilinaw ng NBI chief na nabulilyaso ang pagkikita ng dating mag-amo matapos tumanggi si Madriaga harapin ang pangalawang pangulo.
“Nag-imbestiga kami sa visit na yan. We have established that on two occasions, Vice President Sara Duterte visited BJMP in Camp Bagong Diwa initially trying to visit Ramil Madriaga,” ani Matibag kung saan dalawang beses umanong pinuntahan ng bise-presidente si Madriaga, na ang pangalawa ay Oktubre ng nakaraang taon.
Ayon kay Matibag, ang dating jail warden ng naturang piitan mismo ang nagkumpirma ng impormasyon. Hiniling na aniya ng NBI ang kopya ng CCTV footage sa sinasabing pagdalaw ni Duterte, gayundin ang visitors’ log book sa naturang pasilidad.
“Nagpadala po kami ng mga investigating officers doon from NBI at na-establish po na meron po talagang isang detained prisoner duon na bagong lipat pa lang ay nag-attempt na saktan po si Mr. Madriaga,” aniya pa.
