HINDI pa man ibinabalik ang labis na singil sa mga konsyumer, isang panibagong kalbaryo ang ikinasa ng Manila Electric Company (Meralco) para sa buwan ng Hunyo.
Sa isang anunsyo, inihayag ni Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga ang karagdagang P0.15 kada kilowatt-hour (kWh) na singil sa kuryente ngayong Hunyo.
Sa pagtataya ng Meralco, papalo na sa P14.4833 kada kWh ang singil ng kumpanya — mas mataas kumpara sa P14.3345 kada kWh na singil noong Mayo.
Ang dahilan — mas mataas na generation charges.
Sa mga residential units na kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan, asahan ang humigit-kumulang P30 dagdag sa kabuuang bayarin sa kuryente.
Ayon sa Meralco, tumaas sa antas na P9.0704 kada kWh ang generation charge — mas mataas ng P0.27 kada kWh kumpara sa P8.7942 noong Mayo.
Isa rin aniya sa mga dahilan ng pagtaas ng singil ay ang pagmahal ng presyo sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM), na umakyat sa P7.0281 kada kWh dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente sa Luzon grid.
