NAKATAKDANG sampahan ng kasong human trafficking si dating Anak Kalusugan partylist Rep. Mike Defensor kaugnay ng bentahan ng laman ng nadiskubre sa sinalakay na establisyemento sa lungsod ng Pasig kamakailan.
Ito ang kinumpirma ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag matapos lumabas sa imbestigasyon na may direkta umanong kaugnayan si Defensor sa Bleu Hotel at Chicago Nightclub kung saan nasagip ang 54 kababaihang biktima ng sexual exploitation.
Batay sa mga nakalap na ebidensya, sa nightclub umano nagtutungo ang mga parokyano para pumili ng babae.
Una nang kinumpirma ni Matibag ang pagsasampa ng kasong kriminal sa asawa at anak ni Defensor, gayun ang Zerrin Development Corp. na nagmamay-ari ng mga sinalakay na establisyemento.
Isasampa ng NBI ang pormal na reklamo laban kay Defensor at sa iba pang mga indibidwal sa Inter-Agency Council Against Trafficking sa susunod na linggo.
