NAGPAHAYAG ng labis na pagkadismaya si Senador Mark Villar sa naganap na pananaksak sa Las Piñas National High School (LPNHS) na ikinasawi ng isang Grade 9 student.
Sa isang kalatas, muling kinalampag ni Villar ang mga kapwa mambabatas para pagtibayin ang Senate Bill 2321 o ang Learning Institution’s Guaranteed Threat Avoidance and Safety (LIGTAS) Act na naglalayong tiyakin ang seguridad sa loob at labas ng paaralan.
“Ang ating mga paaralan ay dapat manatiling lugar ng kaligtasan, pagkatuto, at pag-asa—hindi lugar kung saan nalalagay sa panganib ang buhay ng ating mga kabataan. Walang estudyante ang dapat matakot para sa kanyang seguridad habang siya ay nag-aaral at nagsusumikap para sa kanyang mga pangarap,” wika ni Villar.
Nagpaabot ang senador ng pakikiramay sa pamilya ng biktima, habang ang kanyang tanggapan ay patuloy na nagbibigay ng tulong at suporta sa naulilang pamilya sa gitna ng trahedya.
Panawagan ni Villar sa kinauukulan, kabilang ang lokal na pamahalaan at iba pang ahensya, magsagawa ng mabilis at masusing imbestigasyon upang matiyak ang pananagutan, kasabay ng pagpapatupad ng mas mahigpit na mga hakbang sa seguridad upang maiwasang maulit ang mga katulad na insidente. Hinikayat din niya ang mga paaralan, magulang, guro, at buong komunidad na magtulungan sa pagtataguyod ng kultura ng respeto, malasakit, at mapayapang pagresolba ng alitan sa mga kabataan.
Para kay Villar, ipinapakita lamang aniya ng naturang insidente ang kahalagahan LIGTAS Act, na naglalayong magpatupad ng mas matibay na proteksyon sa mga paaralan sa pamamagitan ng mas mataas na police visibility, koordinadong threat assessment, direktang emergency hotlines para sa pulisya, bumbero, at iba pang response units, agarang abiso sa mga magulang sa panahon ng emergency, sapat na first-aid at emergency equipment, at pagsasanay sa medical personnel at security guards.
Itinataguyod rin ng panukala ang estratehikong paglalagay ng CCTV cameras at angkop na security screening systems, pati na ang komprehensibong pagsasanay sa school safety at security para sa mga estudyante, guro, at iba pang personnel ng paaralan.
“Hindi na natin maibabalik ang buhay na nawala dahil sa masakit na trahedyang ito, ngunit hindi tayo maaaring manatiling walang ginagawa. Kailangan nating kumilos nang maiwasang maulit ang ganitong mga pangyayari at matiyak na ligtas ang bawat paaralan para sa ating mga anak. Ang bawat batang Pilipino ay may karapatang makapag-aral sa isang kapaligirang ligtas, protektado, at malaya mula sa anumang uri ng karahasan,” ani Villar.
