HINDI bababa sa 25 pamilya ang nawalan ng tahanan matapos tupukin ng apoy ang ikaapat na palapag ng isang condominium building sa lungsod ng Maynila.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), umabot sa ikalimang alarma ang sunog na sumiklab sa building 1 ng Residencias de Manila sa kahabaan ng Kalye Jesus sa Paco, kaninang umaga.
Ayon kay Kapitan Efren Medina ng Barangay 830, Zone 90, inabot ng limaq’t kalahating oras bago naapula ng mga bumbero sunog sa naturang gusali.
Wala naman aniyang nasawi o nasugatan sa insidente.
Batay sa kwento ng ilang residente, pahirapan ang pag-apula sa sunog dahil bukod sa walang elevator, gawa lang sa plywood ang mga kisame kaya mabilis na kumalat ang apoy.
Kabilang sa mga nasagip ng rescue team ng ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD) ang isang person with disability (PWD) na muntik na umanong maipit sa nasusunog na gusali.
Pansamantalang inilikas ang mga apektadong pamilya sa basketball court sa ilalim ng tulay, hindi kalayuan sa lugar na pinangyarihan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon para matukoy ang sanhi ng sunog.
