WALANG puwang sa Philippine National Police (PNP) ang mga utak-sindikato, ayon sa National Police Commission (Napolcom), kasabay ng anunsyo sa pagsibak sa serbisyo ng 11 pulis na dawis sa kaso ng mga “missing sabungero.”
Sa isang direktiba, kinilala ang tinanggal sa serbisyo na sina Lieutenant Colonel Ryan Jay Orapa, Major Mark Phillip Almedilla, Senior Master Sergeant Mark Anthony Manrique, Staff Sergeant Edmon Muñoz, Staff Sergeant Robert Allan Raz Jr., Staff Sergeant Denar Roda, Corporal Alric Natividad, Corporal Reynaldo Seno Jr., Corporal Ronald John Lanari, Patrolman Rufino Panghulan at Patrolman Develyn Tapalla.
Ayon sa Napolcom, ang mga pulis na sinampolan ay mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sa ilalim ng Regional Drug Enforcement Unit.
Sa dokumentong inilabas ng naturang ahensya, lumalabas na “guilty” ang mga nabanggit na pulis sa kasong grave misconduct at two counts ng conduct unbecoming of a police officer.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo nina Milagros Estacio at Elizabeth Sotto noong Setyembre 2025.
Sa sinumpaang salaysay nina Estacio at Sotto, dinukot ng mga pulis ang kanilang mga anak sa magkahiwalay na anti-drug operations kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero.
