TIWALA ang pamunuan ng Kamara na makakatulong sa mga lokal na magsasaka ang LegisHear program sa pagbalangkas ng batas na angkop sa pangangailangan ng sektor ng agrikultura.
Ayon kay House Speaker Faustino Dy III, direktang makikipag-ugnayan ang ang mga kongresista ang nasa iba’t-ibang komunidad para dinggin ang saloobin ng kahit ng ordinaryong mamamayan — kabilang ang mga magsasaka at iba pang bahagi ng naturang sektor.
Sa ginanap na inaugural LegisHear consultation sa Isabela State University–Echague, ipinaliwanag ni Dy na layon ng naturang inisyatiba pakinggan ang rekomendasyon at alalahanin ng mga mamamayan bago gumawa o magpatupad ng pag-amyenda ng batas.
“Kaya naman po ginagawa namin ito. Katulad ng aming pangunahing sinasabi na napakahalaga na mayroon pong ganitong talakayan at may ganitong ugnayan, nang sa ganoon baka mayroon pa po kaming nakakaligtaang gawin sa ating mga proposed measures o mga panukalang batas para lalo pang tumugon sa atin pong mga pangangailangan, lalo na po dito sa ating lalawigan ng Isabela,” paliwanag ng House Speaker.
Binigyan-diin ni Speaker mula sa Isabela na mahalaga ang pagkakaroon ng konsultasyon lalo sa Isabela na aniya’y itinuturing na “agricultural powerhouse” ng bansa.
Giit pa ni Dy, ang pagtulong sa mga magsasakang Pilipino ay kabilang sa mga prayoridad ng Kamara.
“Kilala po tayo sa larangan ng agrikultura. Dapat mapalakas po natin ang ating agrikultura, mapalakas po natin ang ating farmers,” anang House Speaker.
“Ang atin pong pinapangarap ay magandang presyo, maganda ang kita, at magandang suporta ng ating pamahalaan para lalo pang umunlad ang agrikultura, hindi lamang ng ating lalawigan ng Isabela, kundi ng buong bansang Pilipinas.”
“Ito ay mga magagandang halimbawa ng ating pag-uusapan ngayong araw na ito. Kaya kami po ay nagpapasalamat na nandito po kayong lahat. Alam kong magiging makulay ang atin pong talakayan at ang atin pong pag-uusapan ngayong araw sapagkat uunahin po natin ang lahat para sa kapakanan ng ating sambayanang Pilipino,” aniya pa.
Sa unang LegisHear consultation, tinipon ang mga kinatawan mula sa sektor ng magsasaka, mangingisda, educators, mag-aaral, local government officials, civil society organizations, at national government agencies.
