“MATHEMATICALLY hindi mo talaga maipapaliwanag ‘yon.” Ito ang giit ng isang kongresista hinggil sa malaking diperensya sa pagitan ng taunang sweldo ng pangalawang pangulo kumpara sa bilyon-bilyong naglabas-pasok sa bangko.
Para kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua, sapat na ang mga datos at kumpirmasyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) hinggil sa bilyon-bilyong bank transaction ni VP sara at asawang si Atty. Manases Carpio.
“At kahit na anong sweldo mo, magkano ba ang sweldo ng pangalawang pangulo? P300,000 na, mga ganun. Sa isang taon that is P3.6M,” pahayag ni Chua, na miyembro ng House Justice Committee.
Sa isang nakaraang pagdinig, inamin ng AMLC na may mga kaduda-dudang paglabas-masok ng pera sa bank accounts ng mag-asawa.
Kung bubusisiin aniya ang mga Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte, nakakabahala rin umano ang mabilis na pagtaas sa yamang idineklara ni Sara sa panahon ng panunungkulan bilang vice mayor hanggang sa maging alkalde ng Davao City.
Kumbinsido rin ang nasabing mambabatas na sa SALN pa lamang ng bise presidente ay marami nang ‘red flags’ kabilang ang hindi nito pagdedeklara ng cash on hand at bank deposits at sa halip ay isinama niya ito sa ilalim ng kategoryang “others.”
Base aniya sa panuntunan ng paghahain ng SALN, may partikular na bahagi nito ang pagdedeklara ng cash on hand at cash on bank.
“May specific talaga dun na naka-separate,” sambit pa niya.
Kinontra naman ni Chua ang posisyon ng kampo ni Duterte na hindi dapat binusisi ng House Justice panel ang SALN ng huli noong siya ay hindi pa nahalal sa kasalukuyang posisyon.
“Kasi sinasabi nila, you’re not supposed to look at the SALN before the vice president. But ano yung point of comparison mo, except to look back kung ano yung kanyang dine-declare from the first time that she was elected as a public official. That was in 2007,” giit ng mambabatas.
Sa iprinisita ng Office of the Ombudsman na opisyal na kopya SALN ng bise-presidente, nabatid na noong 2007 ay nagdeklara ito ng P7 million na net worth, na lumobo sa halagang P88.5 million nong 2024.
