KASABAY ng taunang pagdiriwang ng tinaguriang Araw ng Manggagawa, binigyang pagkilala ni House Speaker Faustino Dy III ang ambag sa ekonomiya ng mga obrerong Pilipino.
Para kay Dy, hindi rin matatawaran ang pagsisikap ng mga manggagawa sa paghubog ng kinabukasan ng sambayanan.
Sa isang mensahe sa pagdiriwang ng Labor Day, binigyang-pugay din ni Speaker ang tinawag niyang “true lifeblood” ng bansa, kasabay ng pangako sa pagtataguyod ng mga hakbang na naglalayon isulong ang kapakanan ng naturang sektor ng lipunan.
“Sa pagdiriwang natin ng Araw ng Paggawa, kinikilala natin ang mahalagang papel ng bawat manggagawa sa pag-usad ng ating ekonomiya at sa paghubog ng kinabukasan ng ating bayan,” ayon sa Kinatawan ng Isabela sa Kamara.
“Kayo ang nagsisilbing lakas at buhay ng ating bansa—you are the true lifeblood of our nation,” dagdag niya.
“Sa inyong sipag, tiyaga, at sakripisyo, patuloy na umaandar ang industriya, serbisyo, at kaunlaran ng Pilipinas.”
Ayon sa lider ng Kamara, batid niya ang mga hamong patuloy na hinaharap ng mga manggagawa kabilang na ang isyu ng sahod, benepisyo, job security at working conditions.
“Kaya naman po sa Kapulungan ng mga Kinatawan, patuloy naming itinataguyod ang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino. Patuloy po kaming magsusulong ng mga panukalang batas at mga hakbang na magpapalakas sa proteksyon, oportunidad, at dignidad ng manggagawa.”
Nanindigan din si Dy na kailangan tumbasan ng pamahalaan ang malaking dedikasyon ng mga manggagawa.
“Sa lahat ng manggagawang Pilipino, saludo kami sa inyo. Mabuhay ang manggagawang Pilipino, at mabuhay ang Pilipinas.”
