HINDI man hayagan, mukhang walang plano sumagupa ang magkapatid na Tulfo laban kay Vice President Sara Duterte sa pagsapit ng 2028 presidential elections.
Panawagan ni Senador Erwin Tulfo sa mga survey firms, huwag na kaladkarin sa mga tinaguriang “possible presidential contenders” ang pangalan ng sinuman sa kanilang magkakapatid.
Kamakailan lang, bumida si Senador Raffy Tulfo matapos sumingaw ang resulta ng isang commissioned survey ng Pulse Asia kung saan lumalabas na “statistically tied” si VP Sara at ang nakatatandang Tulfo.
Paglilinaw ni Senador Erwin, wala sa mga plano ng nakatatandang kapatid tumakbo sa pagka-presidente — o kahit pa bise Presidente sa susunod na halalan.
“Ang gusto po ng brother ko and myself, sana po next time, huwag na po isama yung mga pangalan po namin dyan.”
“Senator Raffy was also worried last night nang makita po yung lumabas po sa media, sa social media kahapon,” dugtong ni Senador Erwin.
“Okay na po kami dito sa Senado. We’re happy na makatulong. We craft laws. Pero po sa survey, pakiusap po namin si Sen. Raffy, ako po myself. Baka pwede po sa mga susunod na survey, huwag na po muna isama yung mga pangalan po namin,” aniya pa.
Kung meron man aniyang dapat isama sa political survey para sa 2028 presidential elections, yun aniya ay si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla at si Senador Risa Hontiveros.
“Yung mga Remulla brothers, I think they want to run. Nagpahayag na po si Secretary Jonvic, sila Senator Risa Hontiveros, ang Liberal Party,” ani Tulfo.
“Doon muna kaya mag-concentrate itong mga survey groups po na ito rather than sa amin po. Dahil gusto po namin tahimik po muna. Katatapos lang po ng 2025, talagang nabugbog po kami magkakapatid sa mga batikos, sa mga banat. So, let’s just leave the please, please leave us alone. Huwag na muna isama po yung mga pangalan po namin.”
