WALANG bisa ang birth certificate na walang lagda ng ama. Ito ang batayan ng Korte Suprema sa pag-abswelto sa isang lalaking kinasuhan ng paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children (VAWC).
Sa desisyong akda ni Associate Justice Japar Dimaampao, binaligtad ng Supreme Court Third Division ang hatol ng Regional Trial Court at Court of Appeals sa hatol kaugnay ng kasong economic abuse.
Giit ng Korte Suprema, hindi napatunayan na siya ang ama ng batang ipinanghihingi ng sustento.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ng isang hindi pinangalanang babae laban sa kanyang dating nobyo dahil sa umano’y pagtanggi nitong magbigay ng suportang pinansyal.
Una nang iginiit ng akusado na hindi siya ang ama ng bata — at wala rin aniyang DNA test na magpapatunay na siya at ang bata ay mag-ama.
Sa ebidensya, birth certificate lang na walang pirma ng sinasabing ‘ama’ ang ipinrisinta sa husgado.
Ayon sa Korte Suprema, kailangan mapatunayan muna ang paternity bago magkaroon ng obligasyong magbigay ng sustento at bago mapanagot sa economic abuse.
