SA halip na sagutin punto-por-punto ang usapin, pinili ng isang opisyal sa Palasyo sisihin ang nagdaang administrasyon sa paglobo ng utang ng Pilipinas.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, ang pinapasan na pagkakautang ng bansa ay bunga umano ng iniwang problema ni former President Rodrigo Duterte.
“Kung meron tayong mga pagkakautang, ito ay normal naman sa ibang bansa para maibigay na tulong sa ating mga kababayan,” pambungad ni Castro sa regular press briefing sa Palasyo.
“At tandaan po natin, lumaki ang utang hindi po sa panahon ngayon lamang. Lumaki ang utang dahil namana po ni Pangulong Marcos Jr. ang napakalaking utang na nakuha ni dating Pangulong Duterte at ito’y napabayaan dahil sa mga pang-aabuso sa Pharmally at sa mga ghost project noon ng Build, Build, Build,” dugtong ng opisyal.
Base sa pinakahuling datos ng Bureau of Treasury, nagtala ng record-high P18.9 trillion debt burden ang bansa sa pagtatapos ng Marso.
