MATAPOS ulanin ng batikos kaugnay ng umano’y kawalan ng aksyon ng pulisya sa paglutang ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Gen. Jose Melencio Nartatez na wala pa silang natatanggap na direktiba mula sa mga “nakakataas.”
Partikular na tinukoy ni Nartatez ang komunikasyon kaugnay ng inisyung warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa.
Abniya, anumang usapin hinggil sa sinasabing ICC warrant ay kailangan dumaan sa tamang proseso at koordinasyon sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan at international law enforcement mechanisms.
Gayunpaman, tiniyak ng heneral na handa ang PNP sumunod sa anumang legal na direktiba sa sandaling lumabas ang direktiba.
Samantala, nilinaw ni Brig. Gen. Randulf Tuaño na tumatayong tagapagsalita ng PNP, na wala pang patawag para sa pulong ng National Central Bureau-Philippine Center on Transnational Crime (NCB-PCTC) kaugnay sa pagpapatupad ng naturang ICC warrant.
“Sa ngayon po, nilinaw natin sa Director ng Legal Service, hindi pa po nako-convene ang NCB-PCTC kaugnay ng pag-implement ng ICC warrant po,” wika ni Tuaño.
“Meaning po, wala pang specific na direct na kautusan sa PNP para po siya ay arestuhin,” aniya pa.
