SA dami ng paandar, wala naman natupad. Ito ang buod ng pahayag ng isang abogado sa umano’y nalalapit na pamamaalam ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
Sa isang panayam sa programang Politiko Nightly ng Bilyonaryo News Channel, ibinunyag ni Atty. Jesus Falcis ang posibilidad na sibakin si Remulla bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Ang dahilan — sagana sa dada, wala naman resulta.
“Si Sec. Jonvic Remulla, with all due respect, parang wala naman nadeliver o na-accomplish,” wika ni Falcis.
Kabilang aniya sa mga posibleng italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si former Senator Antonio Trillanes IV .
Kung meron man aniyang nagawang tama si Remulla, yun ay ang pagsibak sa ilang tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) matapos sumingaw ang katiwalian kaugnay ng mga fire extinguishers na tinustusan ng nasabing kawanihan.
“In terms of high-profile arrest, in terms of coordination and implementation of numerous things that the DILG can do, parang hindi siya nakaka-deliver… so malaki talaga ang usap-usapan na kailangan ng isang DILG secretary na makaka-deliver, in relation of high-profile arrest,” dugtong ng abogado.
Partikular na tinukoy ni Falcis ang kabiguan ni Remulla tuntunin at dakpin ang mga bigating pugante tulad ni Atong Ang, Zaldy Co, at Gerald Bantag.
“Laging nagsasalita pero wala namang napo-produce, eh part ‘yon ng mga magiging dahilan kung bakit siya siguro mare-replace ni Antonio Trillanes this week,” pahabol ni Falcis.
