SA hangatin tiyakin ang magandang kinabukasan ng mga kabataan, sinuportahan ni Senador Mark Villar ang panukalang nagsusulong ng mas pinalakas na tertiary education.
Partikular na tinukuran ni Villar ang Senate Bill 1894 na nagtutulak ng reporma sa implementasyon ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act, kasabay ng giit sa mas malawak na suporta ng pamahalaan para sa mga estuyante sa antas ng kolehiyo.
Bumoto pabor si Villar sa panukala at nagpahayag ng intensyong maging co-author ng SB 1894.
Bagamat malaking tulong aniya ang libreng matrikula, marami pa ring estudyante ang nahihirapan tustusan ang pang-araw-araw na gastusin habang nag-aaral.
“Marami pa ring kabataang Pilipino ang nangangarap makapagtapos ng kolehiyo ngunit hirap na hirap matustusan ang kanilang pang-araw-araw na gastusin sa pag-aaral,” wika ni Villar.
“Hindi lamang tuition ang problema ng ating mga estudyante—malaking hamon din ang gastos sa pagkain, pamasahe, school requirements, at iba pang pangangailangan habang nag-aaral,” dugtong ni Villar
Ayon sa senador, layunin ng panukala gawing mas makabuluhan at mas madaling maabot ang educational assistance ng gobyerno, lalo na para sa mga estudyanteng mula sa maralitang sektor ng lipunan.
Sa ilalim ng panukala, higit pang palalakasin ang Tertiary Education Subsidy (TES) program sa pamamagitan ng mas malinaw at mas maayos na sistema sa pagtukoy ng mga kwalipikadong benepisyaryo.
Layunin din nito tiyakin ang maagap na pagpapalabas ng mga subsidiya, mapanatili ang tuloy-tuloy na suporta sa mga iskolar, at regular na suriin ang halaga ng subsidiya.
“Kaya mahalagang maisabatas agad ang panukalang ito upang mas maraming estudyante ang makapagtuloy at makatapos ng kanilang pag-aaral. Nais nating mabawasan ang bilang ng mga kabataang napipilitang huminto sa pag-aaral dahil lamang sa kakulangan sa pera.”
“Kapag sapat ang suporta sa edukasyon, mas makakapagpokus ang ating mga estudyante sa pag-abot ng kanilang mga pangarap at sa pagtataguyod ng mas maayos na kinabukasan para sa kanilang sarili at kanilang pamilya,” pahabol ng mambabatas.
