ANG pulis ang nanghuhuli ng magnanakaw. Pero sa kasong ng pitong sinibak na pulis, sila mismo ang nagnakaw.
Ito ang buod ng kwento ng pitong police personnel na sinibak sa serbisyo dahil sa pagnanakaw ng POGO money na gagamitin sanang ebidensya sa kaso.
Batay sa dokumentong mula sa Directorate for Personnel and Records Management, tuluyan nang binawian ng tsapa at tinanggal sa trabaho si Lt. Col. Joey Arandia na dating cash evidence custodian, at anim na iba pa.
Napatunayang nagkasala sina Arandia at mga kasabwat sa kasong grave misconduct, grave dishonesty, at conduct unbecoming of a police officer.
Buwan ng Oktubre 2024 nang pasukin ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang POGO hub na nakabase sa One Bataan Compound sa Bagac, Bataan.
Kabilang sa mga nakalap na ebidensya sa naturang P141-milyong cash. Makalipas ang mahigit isang taon, naglabas ng omnibus order ang Korte para isauli ang pera para magamit na ebidensya sa kaso.
Nobyembre ng nakalipas na taon nang ibalik ng mga operatiba ng CIDG ang pera. Subalit nang rebisahin ang ebidensya, kulang ng mahigit P13 milyon.
Bistado rin ang paggamit ng boodle money para magmukhang kumpleto ang ebidensya.
